Emosyonal ang aktres na si Maricel Soriano, 56, habang ikinukuwento ang tungkol sa pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay.
Aminado si Maricel na naligaw siya ng landas at hindi niya ikinahihiyang aminin ang karanasang ito.
Ipinagpapasalamat din nang malaki ng Diamond Star na nabigyan siya ng second chance sa showbiz matapos makabangon sa dark phase na iyon ng kanyang buhay.
Ayon kay Maricel, naligaw ang landas niya nang pumanaw ang kanyang ina.
Namatay ang ina ni Maricel na si Rosalinda Dador Martinez, sa edad na 65, dahil sa cardiac arrest noong July 19, 2009.
“Hindi ko matanggap. Nakalimutan kong mag-escape. Ibang escape ang napuntahan ko.
“Napunta ako sa escape na gloomy, masalimuot, madilim. Mag-isa ka lang.
"Hindi maganda. Malungkot ako para sa sarili ko,” lahad ng aktres sa kanyang YouTube channel na in-upload noong September 10, 2021.
Pinagsisisihan daw ito ni Maricel, pero sa kabilang banda ay ipinagpapasalamat din niyang naranasan niya ito.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
“Hindi ako magiging ganito kung di ko dinaanan ‘yon. Naiiyak ako dahil hindi talaga maganda ang pinuntahan ko,” sabi ng aktres.
Hindi idinetalye ni Maricel kung ano ang madilim na pinagdaanan niyang iyon.
Gabi-gabi raw siyang nasa tabi ng ina nang magkaroon ito ng karamdaman.
Nabalot daw ng takot si Maricel kung maunang pumanaw ang ina. Sandalan daw kasi niya ang ina.
“Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay kung wala yung nanay ko,” ani Maricel.
GETTING BACK UP
Nagsimula raw ayusin ni Maricel ang sarili nang makitang nababahala na ang kanyang dalawang anak na sina Marron at Sebastien.
Si Marron ang adopted son ni Maricel, at si Sebastien ay anak niya sa dating pulitiko na si Cesar Jalosjos.
“Kaya nahihiya ako sa mga anak ko. Worried na worried sila sa akin.
"Dun na ako nag-umpisang magising. Inayos ko ang sarili ko, tinulungan ako ng mga kaibigan.”
Pagpapatuloy ni Maricel, “Gusto ko talaga umalis na doon sa dark place na iyon.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
“Kasi kailangan gusto mo, e. Kasi kung ayaw mo, kahit anong gawin ng lahat ng tao, hindi mangyayari.
“Tinatanong ko kung kaya ko pa bang makabalik [sa showbiz]. Pababalikin pa ba ako? Bibigyan pa ba ako ng chance?
“At yun, nakabalik naman ako.”
Pinasalamatan ni Maricel ang tatlong tao na tumulong sa kanyang pagbabalik sa showbiz: Cory Vidanes, ABS-CBN chief operating officer for broadcast; Biboy Arboleda, Dreamscape Entertainment consultant and manager; at ang yumaong direktor na si Wenn Deramas.
Aniya, “Nagpapasalamat ako dahil naiintindihan niyo ako kung saan ako nanggagaling. Nagsabi ako ng totoo. Wala akong itinago.”
Umamin din daw si Maricel sa pagkakamali niya matapos maligaw ng landas.
“Aakuin ko ‘to kasi ako ang may gawa nito. I let it happen,” sabi niya.
Si Wenn ang nagdirek sa dalawang pelikulang napasama si Maricel para sa kanyang pagbabalik-pelikula—ang Momzillas at Girl, Boy, Bakla, Tomboy noong 2013.
Ang huling dalawang teleserye niya ay sa ABS-CBN ipinalabas: The General’s Daughter (2019) at Ang Sa ‘Yo Ay Akin (2020-2021).
CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!
BROKEN RELATIONSHIPS
Pero may mga relasyong tuluyan nang nasira sa pagbangon ni Maricel.
Saad niya, “Ayaw nila akong maintindihan.
"May tao kasing gusto kang maintindihan. They go out of their way to really know what transpired, what happened. They want to understand.
“But a lot of people, mas madami yung hindi nila gustong maintindihan. So, ayaw ka na nila.
“Okay lang. Kasalanan ko naman, e. Sanay naman ako sa life ko na alam ko hindi lahat ng tao gusto ka.”
Matagal daw bago nagawang magbago ni Maricel.
“It took two to three years bago ko napatawad ang sarili ko. Matagal.
"‘Bakit ba ganun ka, Mary, bakit ba hindi ka natututo?’ Ang tagal and, finally, natuto na.
“It’s my choice. I did it for my boys.
"Wala naman silang kasalanan dito, di ba? Ba’t kailangan ko silang parusahan ng ganito? Hindi nila deserve.”
Ang napagtanto raw ni Maricel pagdating sa pagbabago, “If you really want to change, you can. If you want. If you don’t like, that’s up to you.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
“If you want to prolong, then it’s really up to you, di ba?”
Nang humingi raw ng tulong si Maricel para sa kanyang pagbangon, hindi siya nagpanggap na mabuti ang kanyang lagay.
Sabi niya, “Gagawa ka ng salita na may kasamang kasinungalingan, hindi magiging buo ang pasok nun.
“Gawin mo ang tama. Gagawa ka rin naman, gawin mo nang tama,” sabi ng premyadong aktres.
Dagdag pa niya, “Dapat maliwanag ang pakikipag-usap. Hingan ng patawad. Nagkamali ka, e.
“Aminin mo yung totoo. Sabihin mo yung dapat na kailangan nilang marinig. Itodo mo na, pati pamato.”
HOT STORIES